Itinuturing na isang milestone ng Department of Tourism (DOT) ang 8.6 porsyentong kontribusyon ng turismo sa gross domestic product (GDP), at pagbabahagi ng trabaho sa 6.21 milyong Pilipino batay sa pinakabagong data mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ibinahagi ng DOT na ang paglago ng sektor ay nagposisyon sa Pilipinas bilang nangungunang destinasyon ng turismo matapos ang pandemya.
Mula sa datos ay tumaas ng 6.4% ang tourism employment mula sa 5.84 million noong 2022, malapit sa 6.3 million target na itinakda para sa 2028.
Ayon kay Tourism Sec. Christina Frasco, ang mga inisyatiba ng DOT tulad ng Tourist Rest Areas at Philippine Experience Program ay nakatulong upang makapagbigay ng magandang karanasan para sa mga bisita at nakaakit ng mas maraming turista.
Binigyang-diin din ng ahensiya ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang matiyak ang inclusive at sustainable na paglago ng turismo.