Sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong lalaki sa Cebu na nag-post umano sa social media ng pagbabanta kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes.
Kinilala ang unang lalaki na si Dether Japal, 31-anyos, security guard sa Lapu-Lapu City, na naglapag umano ng P20,000 pabuya sa papatay sa Presidente.
Dipensa naman ng suspek, matagal na raw ang kumakalat niyang litrato ngayon, at wala raw siyang inilagay na pabuya noon sa caption.
Sa Cebu City naman, humarap sa NBI ang dalawang barangay tanod na sina Aldren Cabigon at Rengel Fajardo, sa parehong dahilan.
Makikita umano sa kanilang Facebook post ng pagbabanta na may hawak pa silang mga armas.
Pero ayon kay Cabigon, hindi raw sila ang nag-post nito at ginamit lang ng isang dummy account ang kanilang litrato.
Iniimbestigahan ng NBI-7 ang salaysay ng mga sumukong indibidwal, at hinahanap ang mga taong posibleng nasa likod nito.