Sekyu, Kulong dahil sa Pananaga

20

Cauayan City, Isabela- Bagsak sa kulungan ang isang security guard matapos mauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa humantong sa pananaga ang matagal nang alitan sa isang furniture maker sa barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Mador Baraga, 29 taong gulang, may asawa at residente ng Purok 7 Barangay Cabaruan habang ang biktima ay nakilalang si Joey Ferreras, 35 taong gulang na residente rin sa parehong lugar.


Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa dahil sa kanilang matagal na alitan hanggang sa naunang bumato ang biktima sa suspek dahilan upang siya ay tumakbo at kumuha ng itak sa loob ng kanyang bahay.

Pagbalik ng suspek dala ang itak ay agad na hinabol ang biktima at tinaga ito sa kamay at balikat.

Nakatakbo naman ang biktima at dinala ng mga concerned citizen sa ospital para mabigyan ng karampatang lunas.

Dinakip naman ng mga rumespondeng barangay Tanod ang suspek at ipinasakamay sa Cauayan City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.




Facebook Comments