Sekyu na magpapagamot, bigla raw nang-hostage ng doktor

COURTESY QCPD-CIDU

Hinuli ang isang security guard na pumunta ng East Avenue Medical Center sa Quezon City upang magpagamot matapos daw biglang mang-hostage ng doktor nitong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang guwardiya na si Hilarion Achondo, 51 taong gulang.

Batay sa imbestigasyon, nagtungo sa emergency room ng pagamutan ang suspek dakong alas-2 ng madaling araw para palapatan ng lunas ang mga tinamong sugat makaraang maaksidente sa motorsiklo.


Subalit pagdating ng alas-5 ng umaga, bigla umanong hinatak ni Achondo ang isang manggagamot at tinutukan ito ng hiringgilya sa leeg.

Nagkataon naman may tauhan ng QCPD-Crime Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) sa ER kaya agad nilang kinausap ang salarin upang pakawalan ang binihag na doktor.

Sa kasagsagan din ng hostage taking ay pilit pinapakalma ng na-hostage na doktor ang pasyenteng salarin. Makalipas lamang ang 10 minuto, pinalaya ito ng security guard at sumuko siya sa mga awtoridad.

Wala naman naiulat na nasawi o nasaktan sa insidente. Ginamot din muna si Achondo bago kunin ng mga pulis.

Nasa kostudiya ng QCPD ang sekyu na sasampahan ng kasong grave coercion, alarm and scandal, at grave threat.

Facebook Comments