Sekyu, Patay Matapos Salpukin ng Sasakyan

San Mateo, Isabela- Patay ang isang Security Guard matapos salpukin ang kanyang sinasakyang motorsiklo pasado alas otso kagabi, Disyembre 26, 2017 ng isang sasakyan sa Dagupan, San Mateo, Isabela.

Nakilala ang biktima na si Francisco Jr. Quitoras y Angangan, 20 anyos, binata at tubong P-3 Salinungan West, San Mateo, Isabela.

Kinilala naman ang driver at may-ari ng itim na Ford Everest, may sticker na IM6118 na si Francisco Manno y Canol, 57 anyos, binata at residente ng Samoyao, Alapang, La Trinidad, Benguet.


Sa ipinadalang impormasyon ng PNP San Mateo, nangyari ang aksidente ng mag-overtake si Manno sa sinusundan nitong sasakyan at di inaasahang masalpok ang kasalubong na motorsiklo ng biktima.

Naisugod pa ng HACTAF Rescue Team si Quitoras sa malapit na pagamutan ngunit idineklarang Dead on Arrival.

Hawak na ngayon ng pulisya ang driver ng sasakyan at inihahanda na ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Properties sa driver.

Facebook Comments