
Cauayan City – Inanunsyo ng ISELCO-I ang pagtaas ng singil sa kuryente ngayong Nobyembre, kung saan ang Residential rate ay ₱9.3757/kWh, Low Voltage na ₱8.5004/kWh, at High Voltage na ₱6.5849/kWh.
Ayon sa kooperatiba, tumaas ang generation charge ng ₱1.0664/kWh dahil sa mas mataas na Spot Energy Rate mula sa WESM matapos magkulang ang suplay sa merkado.
Dahil dito, lumobo ang gastos sa produksyon ng kuryente na ipinasa sa mga konsyumer.
Kasabay nito, may dagdag na ₱0.2336/kWh sa transmission charges. Ito ay matapos aprubahan ng ERC ang paniningil ng NGCP para sa under-recoveries noong 2016–2022 at mas mataas na Maximum Allowable Revenue, na nagresulta sa patuloy na pagtaas ng transmission rates mula Hulyo 2025.
Pinaalalahanan din ang publiko na maaaring mag-iba pa ang kabuuang singil depende sa ipinapataw na lokal na buwis ng LGU, kabilang ang business, franchise, at real property taxes.









