Generally peaceful ang naging pagtaya ng Philippine National Police (PNP) sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa kahapon, Mayo a-uno, 2024.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, batay sa naging monitoring nila sa mga aktibidad sa buong bansa tulad ng mga kilos-protesta, job fairs at iba pa ay mapayapa sa pangkalahatan.
Maliban na lamang aniya sa insidente ng girian sa pagitan ng mga pulisya at mga demonstrador sa harapan ng US Embassy sa Maynila na nagresulta sa pagkakaaresto ng 6 na militante.
Ipinagharap na ang mga ito ng Direct Assault to Persons in Authority and in Uniform.
Paliwanag ni Fajardo, isolated case lamang ito at agad namang napanumbalik ng pulisya ang kapayapaan sa lugar.
Base sa datos, umabot sa humigit kumulang 1,000 manggagawa at militante ang nagsagawa ng mga pagkilos partikular na sa Welcome Rotonda, Raja Sulaiman Park, Liwasang Bonifacio at Quirino Grandstand.