Ipinagmalaki ng Manila Police District (MPD) na naging maayos at payapa ang katatapos lamang na kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan.
Ayon kay Manila Police District (MPD) PIO Chief Police Major Philipp Ines, walang naging problema sa pagpapairal ng liquor at gun ban sa nasabing kapistahan.
Sinabi pa ni Maj. Ines na naging tagumpay ang programa ni MPD Director Brigadier General Andre Perez Dizon upang matiyak na payapang maidaraos ang selebrasyon.
Aniya, sumunod ang mga residente kaya walang nakitang nag-iinuman sa kalye kundi sa loob lamang ng kani-kanilang bahay kung saan maging masaya sa kabuuan ang pista sa magkabilang lugar.
Nag-ikot rin ang bike patrol ng bawat presinto upang bigyan ng “warning” ang mga sumusuway habang may ilang Station Commander din ang tumulong para higpitan ang seguridad.
Dahil dito, pinasalamatan ni Gen. Dizon ang apat na Station Commander ng MPD Station 1,2,7 at 12 na nakakasakop sa fiesta ng Tondo kabilang na dito ang bawat Police Community Precinct.
Nagpasalamat din ang opisyal sa District Mobile Force Batallon ng MPD gayundin sa mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT), mga miyembro ng MMDA, MTPB at AFP na tumulong para mapanatili ang katahimikan at mapayapang kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan.
Nabatid na tinatayang aabot ng 10,000 deboto ang nakiisa sa dalawang araw na selebrasyon sa nasabing kapistahan.