Ini-adopt na ng Senado “subject to style” ang Senate Resolution 302 o ang pagbuo ng Oversight Committee para sa confidential at intelligence funds, programs at activities.
Nag-ugat ang resolusyon sa pagbibigay ng alokasyon para sa confidential at intelligence fund sa ilang tanggapan at ahensya ng gobyerno na hindi naman karaniwang binibigyan nito tulad ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na parehong opisina ni Vice President Sara Duterte.
Sa sponsorship sa plenaryo ni Senate President Juan Miguel Zubiri ay tinukoy nito na noon pang-10th Congress ay mayroon nang oversight committee para silipin ang paggamit sa confidential at intelligence funds (CIF).
Trabaho aniya ng oversight committee na tiyaking tama ang paggastos sa pondo para sa confidential at intelligence funds na kailangan para masiguro ang kaligtasan at seguridad ng taumbayan.
Welcome naman para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel ang hakbang na ipagpatuloy ang magandang kasanayan na ito pero mas maganda sana aniya kung tuluyang hindi na pahihintulutan ang alokasyon na lumpsum na nagtatago sa confidential at intelligence fund.
Suportado naman ni Senator Robin Padilla ang pagbibigay ng CIF dahil nakatulong ito para linisin ang mga liblib na lugar na kuta ng mga terorista.
Bubuuhin naman ang oversight committee ni Zubiri na siyang magiging Chairperson habang members naman sina Senators Sonny Angara, Ronald “Bato” dela Rosa, Majority Leader Joel Villanueva at Minority Leader Koko Pimentel.