Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na mahalagang makausap ng Senado partikular ng kanyang komite ang self-confessed spy na si She Zhijiang na siya ring nagbunyag sa Al Jazeera documentary na isang espiya ng China state security si dismissed Bamban Mayor Alice Guo o si Guo Hua Ping.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, sinabi ni Hontiveros na importanteng makumpirma kay She Zhijiang ang impormasyon na isa sa Yang brothers ay isang foreign agent mula sa China.
Naniniwala ang mambabatas na ang buong pamahalaan ay may makukuhang importanteng impormasyon mula kay She upang maprotektahan ng gobyerno ang bansa laban sa mga ganitong uri ng spy operations.
Ayon kay Hontiveros, nakipag-ugnayan ang kanyang tanggapan sa Philippine embassy sa Thailand subalit dahil sa diplomatic reasons ay hindi napaunlakan ang kanilang hiling na makausap si She.
Sinabi naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Office of Treaties and Legal Affairs Atty. Ameroden Tago na maaaring isailalim ang hiling ng Senado sa ASEAN Treaty on Mutual Legal Assistance (MLA) in Criminal Assistance para makausap si She.
Sa ilalim din ng MLA ay hindi obligadong mayroong kaso sa korte at sapat na ang imbestigasyong ginagawa ng Mataas na Kapulungan para makausap ang self-confessed spy.
Tiniyak din ni Tago na makikipag-ugnayan ang DFA sa Philippine embassy sa Bangkok at magpapadala ng formal written request para makausap ng Senado si She Zhijiang.