‘Self-defense’: Jiro Manio, pinalo ng helmet bago naganap ang pananaksak – testigo

Photo from Marikina City Police Station

MARIKINA CITY – Self-defense umano ang ginawang pananaksak ni Jiro Manio sa taong nakaalitan, ayon sa ilang mga testigo.

Pahayag nila, naglalakad raw ang dating aktor sa M.A. Roxas Street sa Brgy. San Roque nang biglang hampasin ng helmet ng lalaking si Zeus Doctolero noong Biyernes ng gabi.

Ganito rin ang salaysay ni Genevieve Galvez sa social media na iinistalk daw ng nakabangga ni Manio.


Kuwento ng netizen, dati na niyang inireklamo si Doctolero dahil palaging tumatambay sa labas ng bahay nila.

Madalas daw siyang padalhan ng malaswang mensahe at umabot sa puntong niyaya siya nitong makipagtalik.

Itinanggi din ni Galvez ang pahayag ni Doctolero sa pulisya na magkakilala sila kaya siya nandoon sa lugar.

Iginiit ng babae na nadamay lamang ang dating child actor sa pagiging basagulero ng “stalker” niya.

 

Sa panayam kay Manio, sinabi niyang nagkatingin sila ni Doctolero sa kalye hanggang sa bigla siyang paluin nito ng helmet ng dalawang beses, dahilan para ipagtanggol niya raw ang sarili.

Aniya, hindi sila magkakilalang dalawa at wala siyang ideya kung bakit hinampas nito.

Agad naman naisugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center si Doctolero matapos masaksak sa ulo at balikat.

Sinampahan ng kasong frustrated homicide si Manio na kilala sa pagganap sa mga pelikulang “Ang Tanging Ina” at “Magnifico”.

 

Facebook Comments