Sa ating naging panayam kay Atty. Jerbee Anthony Cortez, COMELEC Officer ng Cauayan, sa ilalim ng COMELEC Resolution no. 10732, mahigpit aniya na ipinagbabawal ngayong campaign period ang pakikipag selfie ng mga kumakandidato, pakikipag handshake at pamimigay ng anumang pagkain sa mga pupuntahang lugar.
Bawal din ang paghinto habang nagsasagawa ng motorcade o caravan at mahigpit din na ipinagbabawal ang in-house campaign na kung saan ay hanggang labas lamang ng gate ng bahay ang mga pangangampanya ng kandidato.
Kaugnay nito ay mayroong binuo ang COMELEC na City COMELEC Campaign Committee na siyang magmomonitor sa mga gagawing campaign activities ng mga kandidato dito sa Siyudad maging sa mga magsasagawa ng rally, meeting de abanse o in-persons campaign upang masiguro na sumusunod ang mga ito sa panuntunan ng COMELEC at kung sila’y sumusunod sa health and safety protocols.
Magiging katuwang ng COMELEC Cauayan ang PNP at mga barangay officials sa pagmonitor sa mga aktibidad ng mga kandidato na nangangampanya sa bara-barangay para maiwasan pa rin ang pagkalat ng Covid-19 dito sa Lungsod.
Ayon pa sa opisyal, bago magtungo sa isang barangay ang isang kandidato para mangampanya ay kailangan munang ipaalam at kumuha ng approval sa COMELEC tatlong araw bago ang kanilang target schedule sa isang lugar.
Pero kung hindi aniya nakakuha ng in house permit sa COMELEC ang mga pangangampanya ng kandidato at tumuloy pa rin sa lugar ay maaari silang makasuhan.