Selos, tinitingnang motibo sa nangyaring pananaksak ng isang lalaki sa asawa nito sa Pasay City

Selos ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa nangyaring pananaksak ng isang lalaki sa sarili nitong asawa sa bahagi ng Andrews Avenue, Brgy. 184, Maricaban, Pasay City ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Ayon kay PCpt. Glen Ramos Mangalindan, OIC ng Maricaban Police Sub-station 7 ay naghihinala ang suspek na kinilala sa alyas ‘Boy’, 44-anyos na may kalaguyo ang asawa nitong si alyas ‘Arlyn’, 32-anyos kaya nagawa nito ang pananaksak.

Samantala, napag-alaman na dati na ring nagharap ang dalawa sa barangay nitong Abril taong kasalukuyan dahil pa rin sa matinding pagseselos ng suspek at nagkaayos din kalaunan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang krimen nang pauwi na ang biktima galing lamay nang lapitan ito ng lasing na suspek.

Dagdag pa rito, posibleng sinubukang talikuran ng biktima ang suspek matapos ang kanilang alitan dahilan para masaksak ito sa likod.

Mabilis na dinala sa ospital ang biktima kung saan naiwan pang nakatarak sa likod nito ang balisong na ginamit ng suspek sa krimen.

Labis naman na nagsisi at humihingi ng kapatawaran ang suspek sa ginawa nito sa kaniyang misis.

Sa ngayon ay nasa maayos na kondisyon na ang biktima habang nakakulong naman ang suspek sa Pasay City Police Station kung saan mahaharap ito sa kasong Frustrated Parricide at paglabag sa Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.

Facebook Comments