Manila, Philippines – Naghahanda na ang Department of Transportation (DOTr) at mga kaakibat nitong ahensya na magbigay ng ligtas at maginhawang biyahe ng libu-libong pasaherong maglalakbay ngayong Semana Santa.
Kasabay ng paglunsad ng DOTr ng ‘Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2018’ na magtatagal hanggang Abril 5.
Sa transport terminals, ayon kay Transportation Road and Infrastructure Undersecretary Tim Orbos, magbibigay sila ng assistance sa mga biyaherong tutungo ng probinsya at iba pang holiday destinations.
Sinabi naman ni Land Transportation Office (LTO) Chief Edgar Galvante, paiigtingin din ang inspeksyon sa mga sasakyan maging ang physical condition ng mga driver.
Para naman kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chief Martin Delgra III, magkakaroon naman ng regular inspection sa mga bus terminal sa Metro Manila at paiigtingin ang kanilang ‘Oplan Isnabero’ laban sa mga kolorum na sasakyan.
Sa mga paliparan, ayon kay Transportation Aviation Undersecretary Manuel Tamayo, nagsagawa na ng meeting kasama ang iba’t-ibang airlines para alalayan ang inaasang dami ng pasahero.
Sa pantalan, sanib pwersa ang Philippine Ports Authority (PPA), Philippine Coast Guard (PCG) at Marine Industry Authority (MARINA) kung saan nagdagdag na ng mga gwardya, K9 units at baggage x-ray machines.
Sa daang-bakal, naglabas na ng Holy Week schedule kung saan suspendido ang operasyon ng Philippine National Railways (PNR), Metro Rail Transit (MRT) line 3 at Light Rail Transit (LRT) line 1 at 2.