Sen. Alan Cayetano, hinamon ng NPC na patunayan ang mga alegasyon ng ‘scripted interviews’

Hinamon ng National Press Club of the Philippines si Senator Alan Peter Cayetano na patunayan ang alegasyon nito kaugnay sa sampung radio station na nagsasagawa ng mga scripted na interview.

Ito ay matapos sabihin ni Cayetano sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts na nagbibigay umano ng advance questions ang kampo ni Senadora Nancy Binay sa mga radio station dahil sa pagkakatulad ng mga itinatanong sa kaniya.

Ayon kay NPC president Leonel Abasola, dapat pangalanan ni Cayetano ang mga inaakusahan niyang istasyon upang mapatunayan din ang mga alegasyon.


Aniya may malaking epekto sa kredibilidad ng mainstream media ang sinasabi ni Cayetano na maaaring sumira sa reputasyon ng mga respetadong media practitioners na hindi naman damay sa kanilang sagutan ng kapwa mambabatas.

Kinondena rin ni Abasola ang pagtawag ni Cayetano kay Binay ng “buang” at “Marites” sa isang public hearing na maituturing na hindi pag-uugali ng isang statesman.

Bagama’t nagsorry na si Cayetano sa mga mamamahayag na nasa Senate beat ay iginiit ng NPC na dapat pa ring patunayan ng senador ang akusasyon.

Hindi ito ang unang beses na inakusahan ni Cayetano ang mga mamamahayag kung saan noong 2019 ay sinabi ni Cayetano na binayaran umano ang media para isabotahe at magpakalat ng disinformation sa pagiging host ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games.

Facebook Comments