Sen. Alan Cayetano: Online SIM registration, higpitan sa halip na ipatigil

Pinahihigpitan ni Senator Alan Peter Cayetano ang pagpapatupad ng SIM Registration Law sa halip na ipatigil ang online registration sa SIM.

Kaugnay na rin ito sa insidente kung saan nagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) na i-register ang SIM gamit ang fake ID na may mukha ng nakangiting unggoy.

Giit ni Cayetano, hindi dapat itigil kundi mas higpitan dapat ang batas.


Aniya, kung ihihinto ang online registration ay mas dadami pa ang loko-loko sa texts.

Naniniwala si Cayetano na mapipigilan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang paglaganap ng scam kung mayroon lamang masasampulan kahit isa rito.

Sinabi ng senador na kung gumamit ng fake ID ay responsibilidad ng mga tagapagpatupad ng batas na hanapin ang ibang detalye tulad ng pangalan at address dahil tiyak na meron ito para mahanap at makasuhan ang lumabag.

Hinimok pa ni Cayetano ang NTC na makipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) at Department of Information Communication Technology (DICT) na subok na ang online system gayundin ang isabay ang registration ng SIM sa National ID system upang gawing mas simple at mas maaasahan ang pagbeberipika.

Facebook Comments