Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Nancy Binay, nagbangayan sa pagdinig ng Senado patungkol sa NSB

Naging mainit ang tagpo sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts na pinamumunuan ni Senator Alan Peter Cayetano patungkol sa isyu ng halaga ng New Senate Building (NSB).

Sa pagdinig ay biglang sumama si Senator Nancy Binay kahit na hindi na ito miyembro ng komite matapos na sabihin ni Cayetano sa unang bahagi ng pagdinig na maaaring dumalo ang senadora.

Subalit sa kalagitnaan ng palitan ng mga tanong sa Department of Public Works and Highways o DPWH ay dito na uminit ang sagutan ng dalawang senador na nag-ugat sa lumabas sa media na inabot na ng P23 billion ang total cost sa pagpapatayo ng NSB.


Pero kinontra ito ni Binay at aniya nasa P21.7 billion lang kabuuang pondo para sa pagpapagawa ng gusali ng Senado at hindi P23 billion.

Sa sinasabing P23 billion ay isinama rito ni Cayetano ang halaga ng pagbili ng lupang kinatatayuan ng NSB na aabot sa P1.6 billion pero sagot ni Binay hindi dumadaan sa DPWH ang cost ng land acquisition at hiwalay ito sa halaga ng pagpapatayo ng gusali.

Dito ay nagkasagutan na ang dalawa kung saan nadamay pa ang media sa personalang away na ng dalawa.

Dito ay umawat na si Senator Robin Padilla sa dalawa at iminosyon na suspendihin na muna ang pagdinig na sinundan ng pagwo-walk out ni Binay matapos kumpirmahin sa DPWH na wala sa dokumento nila ang halagang P23 billion.

Nagpasaring din si Cayetano kay Binay na “Lourdes” ang pangalan niya at hindi “Marites” at sinabihan niya pa ang senadora na “buang” o nabaliw na.

Facebook Comments