Aarangkada na ngayong hapon ang unang pagdinig ng Senate Committee on Accounts tungkol sa umano’y overpriced na pagpapatayo ng New Senate Building (NSB) sa Taguig City.
Mula sa orihinal na oras ng pagdinig bago magtanghali ay naurong ito ng ala-1:00 ng hapon.
Matatandaang naging kontrobersyal ang gusaling ipinatatayo na lilipatan ng Senado matapos unang ipag-utos ni Senate President Chiz Escudero na suspindihin ang konstruksyon ng gusali dahil sa paglobo ng gastos dito na mula sa orihinal na P8.9 billion ay posibleng lumobo pa ito sa P23 billion.
Sa pagdinig ay ire-review ang lahat ng gastos, materyales at mga dokumentong may kinalaman sa ipinatatayong NSB.
Isinumite na rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang hinihinging briefer at mga dokumento ni Committee on Accounts Chairman Alan Peter Cayetano patungkol sa gusali.
Magkagayunman, naunang sinabi ni dating Accounts Chairperson Senator Nancy Binay na magmo-monitor na lang muna siya sa pagdinig matapos malaman na inalis na pala siya komite.
Wala rin aniyang komunikasyon ang kampo ni Cayetano sa kanya para pagusapan ang NSB at wala ring maayos na turnover ng trabaho.
Naunang dumepensa ni Binay na ang mahigit P8 billion na ginastos sa pagpapatayo ng NSB ay para lamang sa “core at shell” ng gusali habang ang dagdag na P10 billion ay para sa pagkumpleto ng NSB na hindi pa naaaprubahan at hindi pa nagagastos.