Iginiit ni Senate subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Sonny Angara na dapat sa Senado ipadala ng Kamara ang kopya ng aaprubahang resolusyon para sa Charter change (Cha-cha).
Ang reaksyon ng senador ay kaugnay sa pahayag ni House Majority Leader Mannix Dalipe na ididiretso nilang isumite sa Comelec ang Resolution of Both Houses No. 7 oras na ipasa ng Kamara dahil wala naman aniya itong pupuntahan.
Sinabi ni Angara na sa kanyang pagkakaunawa, batay sa proseso ng bicameral system ng Kongreso ay dapat na isumite sa kabilang kapulungan ang anumang resolusyon o panukalang batas na inaprubahan ng Senado o Kamara.
Ibig sabihin, ang anumang resolusyon o panukala na pagtitibayin ng Kamara ay dapat na i-transmit sa Senado at hindi sa Comelec.
Ganito naman aniya ang ginagawa noon pa sa mga naunang resolusyon maging sa ibang panukala na patungkol sa Cha-cha.
Samantala, kung sa Kamara ay lusot na sa ikalawang pagbasa ang kanilang bersyon ng Cha-cha, sa Senado naman ay walang naka-schedule na pagdinig para sa RBH6 ngayong linggo.
Ayon kay Angara, isasalang muli sa pagdinig ang economic Cha-cha pagkatapos na ng Holy Week break dahil inuna muna nilang talakayin at aprubahan ang LEDAC bills bago mag-session break sa March 23.