“Good development” para kay Senate subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Senator Sonny Angara ang ginawang pag-transmit ng Kamara sa Senado ng inaprubahang Resolution of Both Houses no. 7.
Aminado si Angara na nagtaka rin siya sa naunang pahayag ng Mababang Kapulungan na sa Commission on Elections (COMELEC) dadalhin ang RBH7 dahil wala naman itong pupuntahan.
Aniya, tama ang ginawa ng Kamara na sa Senado iniakyat ang inaprubahang Charter change (Cha-cha).
Naniniwala ang senador na dahil sa ginawang ito ng Kamara ay hudyat ito na kinikilala ng mga kongresista na kailangan nilang makipagtulungan sa Senado para sa pagpapatibay ng economic Cha-cha.
Bagama’t may ilang gagawing pagdinig ang Senado habang naka-break, hindi naman kasama rito ang RBH6 ng mataas na kapulungan.
Sinabi ni Angara na sa pagbabalik ng sesyon sa April 29 nila balak na ipagpatuloy ang pagtalakay sa RBH6 habang sa Mayo naman ang plano na masponsoran na ito sa plenaryo.