Sen. Bato dela Rosa at pamilya nito, umaapela sa gobyerno ng paggalang sa karapatan at due process

Nanawagan na si Senator Ronald “Bato” dela Rosa at ang pamilya nito na bigyan ng nararapat na proseso at igalang ang karapatang pantao ng senador sakaling mayroon ngang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).

Ito ay ayon kay Atty. Israelito Torreon, ang legal counsel ni Dela Rosa matapos mausisa kung nakausap nito ang senador na isang buwan nang hindi pumapasok dito sa Senado mula nang pumutok ang balitang aarestuhin na ito ng ICC.

Ayon kay Torreon, ang nais ng senador at ng pamilya nito ay bigyan ng “clear cut guidelines” o malinaw na gabay si Dela Rosa mula sa ating pamahalaan at sa Korte Suprema tungkol sa kanyang mga karapatan bilang Pilipino salig na rin sa ilalim ng Konstitusyon at ng rules of criminal procedure at kung mabibigyan siya ng due process.

Partikular na nais malaman ng senador kung anong prosesong kanyang pagdadaanan dahil sa extradition lang tayo may malinaw na rules of procedure subalit sa surrender ay wala at matagal na ring kumalas ang Pilipinas bilang myembro ng ICC.

Sakaling maging malinaw ang mga proseso ay kumpyansa ang abogado na handa si Dela Rosa na harapin ang kanyang kaso.

Sinabi ni Torreon na huli niyang nakausap si Dela Rosa bago magpa-interview si Ombudsman Jesus Crispin Remulla at ianunsyo na may warrant of arrest na si Sen. Bato pero noong panahon na nagusap sila ay hindi tungkol sa ICC arrest ang kanilang paksa.

Sinubukan niyang i-text si Sen. Bato subalit walang reply kaya ang komunikasyon lamang niya sa ngayon ay ang asawa at ang anak na babae ng senador.

Facebook Comments