Hinamon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang quad committee ng Kamara na sampahan na lamang siya ng kaso kung may sapat na ebidensya laban sa kanya tungkol sa isinagawang imbestigasyon sa drug war ng nakaraang Duterte administration.
Ito’y matapos aminin ni Dela Rosa na galit siya kay Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop matapos na ihayag na nilinlang o binudol lamang ng dating administrasyong Duterte ang publiko sa paglaban sa iligal na droga ngunit ang katotohanan ay pinrotektahan ng kampanya ang mga miyembro ng drug syndicates.
Tahasang itinanggi ni Dela Rosa ang paratang na binudol nila ang taumbayan sa drug war at ano naman ang mapapala nila mula rito.
Sumusumpa rin ang mambabatas sa ngalan ng kanyang mga pulis na nasawi dahil sa madugong drug war na totoo ang kanyang sinasabi.
Sinabi pa ni Dela Rosa na inaasahan niya na ang panggigiba sa kanila bilang identified siya sa ilalim ng Duterte administration at malinaw rin na ang layunin ng imbestigasyon ng quad comm ay hindi “in aid of legislation” kundi “in aid of demolition o persecution.”
Sinabi pa ng mambabatas na magde-debriefing na lamang muna siya bago makaharap si Acop upang hindi madala sa kanyang emosyon.