Sen. Bato dela Rosa, hindi aatras sa kandidatura sa 2025 elections kahit patuloy na binabato ng mga isyu

Nanindigan si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi siya aatras sa kandidatura para sa re-election sa darating na 2025 election.

Ito’y kahit pa kaliwa’t kanan ang mga ibinabatong isyu sa senador at nadagdagan pa ng pagiimbestiga sa kanya ng quad committee sa Kamara na may kaugnayan sa extra judicial killings, iligal drugs at iligal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) operations.

Giit ni Dela Rosa, bago pa man ang mga lumabas na isyu ngayon ay nakapagdesisyon na siyang tumakbo sa halalan ng susunod na taon.


Sinabi ni Dela Rosa na hindi siya papayag na “forever” siyang bubugbugin ng mga isyu.

Aniya pa, tulad ng pangalan ng kanilang partido na Partido Demokratiko Pilipino (PDP) Laban ay lalaban din siya kahit araw-araw siyang nakararanas ng panggigipit, paninira at panguupak mula sa mga kritiko.

Naniniwala rin ang dating Philippine National Police (PNP) chief na pansamantala lang ang mga nangyayari ngayon at tiwala siyang bilog ang mundo.

Pasaring pa ni Dela Rosa na hindi nila kailanman gagawin ang rumesbak o maghiganti sa ginagawa sa kanila ngayon dahil hindi aniya ugali ng mga Duterte ito.

Facebook Comments