Hindi magpapaapekto si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang re-election bid sa 2025 dahil lamang sa kanyang kasong kinakaharap sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong ‘war on drugs’.
Ayon kay Dela Rosa, magpapa-re-elect pa rin siya kahit hanggang saan pa abutin ang kaso sa ICC.
Ipinauubaya naman ng senador sa taumbayan ang kanyang kapalaran kung gugustuhin ba ng mga Pilipino na ihalal muli ang isang senador kahit na makulong na siya.
Pabiro namang sinabi ni Dela Rosa na kung sa The Hague, Netherlands man siya makulong ay ‘text text’ na lang kung sakaling maupo ulit siya sa Senado.
Sa tanong naman kung nababagabag pa ba ang mambabatas sa kahihinatnan ng mga kaso sa ICC ay sinagot nito na tapos na ang kanyang mga ‘sleepless nights’ at alam ng Diyos kung ano ang makabubuti sa kanya humantong man ito sa pagkakabilanggo.
Muli namang tiniyak ni Pangulong Bongbong Marcos na maaaring bumisita sa bansa ang ICC pero hindi makikipagtulungan sa kanila ang gobyerno patungkol sa imbestigasyon ng madugong kontra iligal na droga.