Sen. Bato dela Rosa, hindi na umaasa ng hustisya sa ilalim ng Marcos administration

Tila nawalan na ng pag-asa si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na makakamit niya pa ang patas na hustisya sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Dela Rosa, sa nakita niyang pagtrato ng mga awtoridad kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi na siya umaasang may makikita pa siyang hustisya.

Nagpaliwanag din ang senador sa pabago-bagong niyang estratehiya tungkol sa posibilidad na maaresto ng International Criminal Court (ICC).


Sinabi ng mambabatas na naiba na ang posisyon sa kanya ni Pangulong Bongbong Marcos nang minsan siyang sabihan nito noon na kahit buhok niya ay hindi mahahawakan ng ICC subalit ngayon ay hinayaang ipaaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC at nariyan ang pangambang siya na ang isusunod.

Giit ng senador, kung si Pangulong Marcos nga ay nagbago ng kanyang stand sa kanila ay kailangan din niyang maging flexible at madiskarte lalo na ngayong panahon ng kagipitan.

Sinabi pa ni Dela Rosa na depende sa sitwasyon kung mahuhuli o magpapahuli siya at inaaral pa niya ang kanyang mga option sakaling dumating sa puntong dadakpin na siya ng ICC.

Facebook Comments