Hindi apektado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa desisyon ng International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang kampanya kontral iligal na droga ng dating Duterte administration.
Sa katunayan, wala siyang paghahanda sa nasabing imbestigasyon at sa katunayan ay naniniwala itong wala namang mangyayari dahil hindi naman makakapag-imbestiga rito ang ICC.
Iginiit din ni Dela Rosa na walang dahilan para targetin siya at si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng ICC dahil hindi naman nila utos ang sinasabing pangaabuso sa implementasyon ng “war on drugs”.
Sa kabilang banda, aminado ang senador na nagkaroon nga ng pangaabuso sa gitna ng kampanya kontra iligal na droga pero hindi naman tama na pagsasama-samahin ang mga kaso ng pagmamalabis at isisi o sasabihing kagagawan ng gobyerno.
Punto ni dela Rosa, kawalang katarungan din kasi ito sa mga matitinong pulis na nasawi at nasugatan sa paglaban ang pagpilit na masama ang buong drug war.
Dagdag pa ng mambabatas na malinaw na kawalang respeto ito ng ICC sa soberenya ng Pilipinas sa pagpipilit na pumasok sa bansa at manghimasok sa ating judicial system.