Sen. Bato dela Rosa, hiniling sa COMELEC na isailalim sa kontrol ng komisyon ang Negros Oriental

Inirekomenda ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa Commission on Elections (COMELEC) na isailalim sa kontrol ng komisyon ang lalawigan ng Negros Oriental lalo na sa inaasahang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.

Ito ang suhestyon ng senador kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia sa gitna ng pagdinig ng komite tungkol sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Ayon kay Dela Rosa, importanteng mailagay sa COMELEC control ang lalawigan upang masiguro na walang mamamatay kapag nagsagawa ng halalan.


Sinabi pa ng senador na nakakabahala ang maaaring sapitin ng lalawigan lalo’t naisiwalat sa imbestigasyon ng Senado ang maraming kaso ng karahasan na nangyayari sa Negros Oriental bago maisakatuparan ang pagpaslang sa gobernador.

Hindi aniya malabong may kakayahan pa rin ang mga kawatan na gumawa ng krimen sa probinsya kung ang Negros Oriental ay hindi mapapasailalim ng kontrol ng COMELEC.

Nauna namang sinabi ni Garcia na magsasagawa sila ng public hearing sa lalawigan para malaman ang pulso ng bawat barangay kung sila ba ay pabor sa mungkahing election postponement sa Negros Oriental.

Facebook Comments