Sen. Bato Dela Rosa, humingi ng paumanhin at inaming guilty siya sa isyu ng kawalan ng decorum sa Senado

Humingi ng paumanhin si Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung nasisira man ang imahe ng Senado dahil sa kanyang ginagawa.

Aminado ang senador na isa siya sa guilty matapos punahin ng ilang mga beteranong mambabatas ang kawalan ng decorum o wastong ugali at kilos ng ilang mga mambabatas ngayon.

Batid ni Dela Rosa na madalas ay sumosobra at nake-carried away siya sa mga pagdinig kung saan nawawala sa kanyang isip na siya ay isang senador na at hindi na isang pulis.


Dahil dito, humingi ng paumanhin si Dela Rosa sa mga nasabi at nagawa sabay sabing handa siyang baguhin ang kanyang sarili at mag-adjust sa kung ano man ang nararapat.

Sinabi pa ni Dela Rosa na hindi niya na rin gagawin ang pagluhod sa mga resource persons sa gitna ng pagdinig lalo na kung sa tingin ng marami ay hindi na maganda ang kanyang ginawa.

Bagama’t hindi naman aniya siya maingay kapag sesyon, pero kasama sa iiwasan ng senador ang malakas na pagtawa sa plenaryo na minsan na ring napuna sa kanya ni Senator Pia Cayetano.

Payo naman ni Dela Rosa sa mga kapwa senador, hindi naman masama ang makinig sa mga payo at sa mga constructive criticism dahil hindi naman ito kabawasan ng pagiging isang mambabatas kung magiging bukas lamang ang kanilang isipan.

Facebook Comments