Iginiit ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na dito siya sa bansa mabubuhay at mamamatay at hindi siya hihingi ng asylum sa ibang mga bansa para maiwasan ang posibleng pag-aresto ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Dela Rosa, sa taumbayan aniya siya pupunta para humingi ng tulong kung hindi man siya dedepensahan ng gobyerno laban sa ICC kaugnay sa kasong drug war noong Duterte administration.
Sinabi ng senador na kung dahil sa pulitika ay magiging ingrato ang pamahalaan sa mga taong matagal na nagserbisyo sa pulisya na ilang beses isinugal ang buhay para sa bansa ay wala siyang ibang pupuntahan kundi ang mga tao.
Sakali naman aniyang mabigyan siya ng pagkakataon na makausap si Pangulong Bongbong Marcos ay hihilingin niya na protektahan ang bansa at huwag isusulo ang hurisdiksyon ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Dela Rosa, hindi aniya siya nababahala kung suspek man ang turing sa kanya at nakahanda siyang makipagusap din sa mga imbestigador ng ICC kahit hindi pa rin niya kinikilala ang hurisdiksyon ng korteng ito.