
Inalis na sa halos lahat ng komite sa Senado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa mahabang panahon na hindi ito pumapasok.
Ayon kay Senate President Tito Sotto, maghahalal na ng kapalit sa lahat ng iba pang komite na miyembro si Dela Rosa.
Paliwanag ng senador, sinusunod lamang nila ang rule11 section 23 ng Senado kung saan kapag matagal na hindi pumapasok ang isang mambabatas o limang beses na hindi dumalo sa committee hearings nang walang paliwanag ay maaari itong matanggal sa committee membership.
Kung hindi naman nagdadaos ng meeting o hearing ang isang komite ay maaaring manatiling miyembro pa rin si Dela Rosa.
Kabilang sa mga komite na inalis at pinalitan si Dela Rosa ngayong buwan ang Blue Ribbon Committee at Ethics and Privileges.
Matatandaang mula pa noong Nobyembre ay hindi na nagpakita at pumasok sa mataas na kapulungan si Sen. Bato matapos mapabalita na mayroon itong arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).










