Sen. Bato dela Rosa, kumpiyansang poprotektahan siya ni PBBM laban sa ICC

Tiwala si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na mapoprotektahan siya ni Pangulong Bongbong Marcos mula sa nagbabadyang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Dela Rosa, noong kampanya para sa 2022 Presidential Elections ay sinabi sa kanya ni Pangulong Marcos na poprotektahan siya nito mula sa imbestigasyon ng ICC sa anti-drug war campaign ng nakaraang Duterte administration.

Sinabi pa sa kanya ni Pangulong Marcos na kahit isang buhok niya ay hindi mahahawakan ng ICC kahit wala naman daw siyang buhok na pabiro pang sabi nito.


Aniya pa, casual lang daw ang kanilang naging paguusap noong kampanya na nataon namang siya muna ang pansamantalang kumatawan kay Vice President Sara Duterte na ka-tandem noong halalan ni Pangulong Marcos.

Nilinaw naman ni Dela Rosa na wala siyang maalala na may personal siyang hiling noon sa pangulo na kapag nanalo ito ay huwag papasukin ang ICC sa bansa.

Kumpiyansa ang senador na may isang salita ang presidente at ang gagawing ito ay hindi lamang para sa kanya kundi para sa soberanya ng bansa na hindi ito basta-basta magpapa-bully sa ICC.

Facebook Comments