Sen. Bato dela Rosa, mapipilitan humarap sa war on drugs investigation ng Kamara kapag dadalo si FPRRD

Mapipilitan si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na humarap sa imbestigasyon ng Kamara tungkol sa “war on drugs” ng nakaraang Duterte administration kung dadalo mismo si former President Rodrigo Duterte.

Ayon kay Dela Rosa, ayaw niyang humarap si FPRRD sa Kamara na mag-isa at magiging “unfair” ito sa dating pangulo dahil bukod sa siya ang presidente noon ay ang senador naman ang dating Philippine National Police (PNP) chief nang ikasa ang kampanya kontra iligal na droga.

Sinabi pa ng senador na pagmamahal sa dating pangulo kaya sasamahan niya ito sakaling maisipan na humarap sa pagdinig.


Dagdag pa niya, bilang ang PNP noon ang nagpatupad ng “war on drugs” ay posibleng may maitanong ang mga kongresista kay dating Pangulong Duterte na siya bilang hepe noon ang tanging makasasagot.

Magkagayunman, may nakausap siyang dating cabinet member ni FPRRD na hindi niya na pinangalanan ang nagsabi sa kanya na hindi dadalo o haharap ang dating presidente sa imbestigasyon ng Kamara.

Facebook Comments