Sen. Bato dela Rosa, may bwelta kay dating Police Col. Eduardo Acierto kaugnay sa pagdawit kay Dating Presidential adviser Michael Yang sa iligal na droga

Binweltahan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa si dismissed Police Col. Eduardo Acierto at iginiit na ang pinatalsik na pulis ang talagang sangkot sa iligal na droga.

Sa ginanap na pagdinig sa Kamara ay iniuugnay ni Acierto si dating Presidential Adviser Michael Yang sa iligal na droga at iginiit din na alam nina Dela Rosa, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Christopher “Bong” Go ang kaugnayan ni Yang sa narcotics trade pero binalewala ng mga ito ang kanyang report noong 2017.

Sa pagkakaalala ni Dela Rosa, matapos niyang matanggap ang impormasyon na posibleng sangkot si Yang sa shabu laboratory sa Davao City na ni-raid noong 2002, agad niyang ipinag-utos kay Acierto na noo’y deputy director ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) na i-validate ang impormasyon at magkasa agad ng operasyon laban sa subject sakaling totoo ito.


Subalit, sa halip aniya na trabahuin ng dating police officer ang impormasyon ay naging abala ito sa pagta-traffick ng multi-bilyong halaga ng droga na nakalagay sa mga magnetic lifters na nakumpiska ng Customs sa isang warehouse kung saan nauwi ito sa pagkakaaresto kay Acierto at sa isa pang dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) officer na si Ismael Fajardo at conviction ni customs intelligence agent Jimmy Gavan.

Pasaring pa ni Dela Rosa, ngayon niya mas naiintindihan kung bakit sa pamamagitan lang ng zoom humarap si Acierto sa pagdinig ng Kamara.

Facebook Comments