
Nagparamdam sa pamamagitan ng kanyang social media account si Senator Ronald “Bato” dela Rosa matapos ang higit dalawang buwang pagtatago at hindi pagpasok sa Senado bunsod ng umano’y warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Sen. Bato na buhay at nasa maayos na kalagayan siya at masayang ginugunita ang kanyang ika-64 kaarawan ngayong Enero 21.
Sinabi pa ni Dela Rosa na naghihintay lamang siya na mahanap at makamit ang hustisya.
Kung sakali aniyang may mga kaso laban sa kanya, maghihintay lamang ang senador ng pagkakataon at katiyakan para harapin ang mga kaso.
Sa post din ng senador ay tila wala itong balak na magpahuli at magpalitis sa international court dahil ito aniya ay mistulang pagbalewala sa pakikipaglaban ng mga bayani at sundalo para sa ating kalayaan.
Samantala, tinanong naman ni Dela Rosa ang mga kritiko na bakit atat ang mga ito na isuko ang kapwa Pilipino sa mga dayuhan, nasaan ang kanilang moral at bakit nais nilang gumuho ang soberenya ng bansa.
Tiniyak ni Sen. Bato na nananatili siyang matiyaga, mahinahon at may dignidad sa kabila ng mga nangyayari.










