Sen. Bato dela Rosa, naaawa na sa mga kongresista

Kinakaawaan ngayon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga kongresista hinggil sa plano ng Kamara na imbestigahan siya kasama sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara Duterte dahil sa umano’y kaugnayan sa pagtatago ni Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Dela Rosa, ang masasabi na lang niya ay naaawa siya sa mga kongresista dahil palaging nasa isip ng mga ito ay puro pulitika.

Aniya, nakalimutan na ng Mababang Kapulungan ang kanilang tungkulin sa taumbayan dahil sa patuloy na pagtutok at pagdawit sa kanila sa mga malalaking isyu.


Hinaing ni Dela Rosa, hindi ikinunsidera ng Kamara kung bakit siya nag-iimbestiga tungkol sa nangyayaring tensyon sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at sa kaso ni Quiboloy.

Nais aniya ng kanyang komite na maibsan ang paghihirap ng mga myembro doon at maibalik ang pagpa-practice ng relihiyon.

Depensa pa ng mambabatas, nagsagawa siya ng imbestigasyon sa KOJC kung saan nagtungo sa Davao ang Senate Committee on Public Order kamakailan dahil sa may nasawi sa gitna ng pagsasagawa ng operasyon laban kay Quiboloy kaya naman nagtataka siya kung bakit napag-iinitan sila ng Kamara at balak pang imbestigahan ng obstruction of justice.

Facebook Comments