Sen. Bato dela Rosa, nakaramdam ng “betrayal” sa pamahalaan dahil posibleng papasukin ng bansa ang ICC

Aminado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na pakiramdam niya ay pinagtaksilan o tinraydor siya ng gobyerno sa tila laban-bawing polisiya pagdating sa pagpapasok sa International Criminal Court (ICC) sa bansa.

Kaugnay na rin ito sa naunang pahayag ng Office of the Solicitor General (OSG) na hindi mapipigil ng Pilipinas ang pagpasok ng ICC sa bansa para magsagawa ng panayam sa mga “persons of interests” hinggil sa madugong kampanya kontra iligal na droga ng dating Duterte administration.

Ayon kay Dela Rosa, pakiramdam niya ay pagtatraydor ang ginawa sa kanya ng pamahalaan bilang Pilipino dahil na rin sa paiba-ibang polisiya pagdating sa ICC.


Aniya, kung gustong makipagtulungan ng bansa sa ICC ay wala naman siyang magagawa dahil hindi sila ang nasa Malacañang at hindi rin nila kontrolado ang gobyerno sa gustong tahaking direksyon.

Wala naman planong gawin si Dela Rosa tungkol dito at bahala na aniya ang pamahalaan kung ano talaga ang gusto nilang gawin bilang sila ay mayroon namang hiwalay na kapangyarihan.

Ipinauubaya na lamang ng senador sa Diyos kung ano ang kaniyang kahihinatnan at hayaan na lamang ang taumbayan ang humusga sa kung ano talagang layunin ng gobyerno at ng ICC.

Facebook Comments