Sen. Bato dela Rosa, nanindigang hindi sisipot sa pagdinig ng Kamara kahit “Committee of the Whole” pa ang magpatawag sa kaniya

Naninindigan si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi dadalo sa pagdinig ng Kamara kahit pa Committee of the Whole o buong Mababang Kapulungan pa ang magpatawag sa kanya.

Iniimbitahan ng binuong apat na komite sa Kamara si Dela Rosa hinggil sa imbestigasyon ng posibleng kaugnayan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa illegal drug trade, extrajudicial killings na kinasasangkutan ng droga at iba pang krimen.

Giit ni Dela Rosa, hinding-hindi siya dadalo sa imbestigasyon ng Kamara dahil ayaw niyang lumabag sa “interparliamentary courtesy” ng Kongreso.


Aniya, mahigpit nilang inoobserbahan ang “interparliamentary courtesy” dahil kung pagbibigyan niya ang Kamara ay tiyak na maraming senador ang magagalit sa kanya.

Bukod dito, magiging precedent ito kung susunod siya sa Kamara at posibleng ang mangyari ay palagi na lamang may ipapatawag na senador at posibleng wala na silang magagawang trabaho.

Dagdag pa ni Dela Rosa, batid niya rin kung anong mayroon sa imbestigasyon kaya hindi na siya magtatangka pa na dumalo rito.

Matatandaang may ibinulgar si Dela Rosa na ilan sa mga matataas na lider ng Kamara ang pilit na gusto siyang idiin sa International Criminal Court (ICC) at kasama rito si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments