Nilinis ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang kanyang pangalan sa gitna ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality matapos mabanggit sa imbestigasyon na mayroong dating Philippine National Police o PNP chief ang nabigyan ng suhol ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Sa imbestigasyon ng komite, pinakumpirma ni Committee Chairperson Risa Hontiveros kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., kung may mga natanggap silang impormasyon mula sa intelligence community na may mga matataas na opisyal sa BI ang tumanggap ng suhol na P200 million mula kay Guo Hua Ping.
Pero ayon kay PAGCOR Security and Monitoring Cluster Senior Vice President Ret. Gen. Raul Villanueva, hindi lang BI personnel kundi may intelligence information din sila na may ilang PNP personalities tulad ng dating PNP chief ang tumanggap ng suhol sa pagtakas ni Guo subalit ito ay hindi pa kumpirmado at hindi pa nila batid kung magkano ang ibinayad.
Hindi naman naiwasan ni Dela Rosa na mapatanong din at linawin mismo kay Alice Guo kung maaaring malaman kung sino ang former PNP chief na tumatanggap ng monthly payroll sa alkalde bilang siya ay isang dating PNP chief.
Paglilinaw ni Dela Rosa, ginawa niya ito dahil posibleng may lumabas na naman na script na siya ang dating PNP chief na tumanggap ng pera galing kay Guo.
Hiniling ni Dela Rosa kay Villanueva na pangalanan ang dating PNP chief na tinutukoy at ang naging sagot nito ay hindi pa niya ito nakukumpirma pero nakatitiyak siyang hindi ito ang senador.