Sen. Bato dela Rosa, pinabulaanan na kasama siya sa courtesy call kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na iniuugnay sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa Davao City

Mariing itinatanggi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na kasama siya sa umano’y “courtesy call” at pulong ng mga police officer kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City na iniuugnay sa kamatayan ng tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Penal Farm and Prison noong August 2016.

Ang impormasyong ito ay mula kay Abang-Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano sa ginanap na Quad-Committee hearing nitong Biyernes.

Ayon kay Dela Rosa, malinaw sa napanood niyang pagdinig na sobrang excited at mapilit si Cong. Paduano na naroroon nga siya sa ginawang courtesy call gayong lahat ng resource persons ay pinabulaanan ang nasabing alegasyon.


Muling iginiit ng senador na wala siya sa nangyaring courtesy call o pulong.

Napakahalata aniya sa hanay ng mga pagtatanong ng kongresista na pilit na idinadawit siya, si Duterte at maging si Senator Bong Go sa krimen.

Naunang tinuligsa ni Dela Rosa ang QuadCom hearing sa Kamara na aniya’y ginagamit na “fishing expedition” para maidiin at durugin ang mga kaalyado ni dating Pangulong Duterte sa 2025 at 2028 elections.

Facebook Comments