Seryoso si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na sinagot ang akusasyon ni dating Senator Antonio Trillanes IV na nagpapadikta ang senador kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaya itinulak ang imbestigasyon sa PDEA leaks kung saan idinadawit ang pangalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa iligal na droga.
Mariing itinatanggi ni dela Rosa ang alegasyon ni Trillanes na nagpapagamit siya sa dating Pangulo at nakakahiya aniya ang binitawang statement ng dating senador na inutusan siya ni Duterte.
Giit ni dela Rosa, naging senador naman si Trillanes at batid nito na walang pwedeng mandikta sa Senado sa kung anong dapat na gawin.
Hindi aniya siya kailanman magpapagamit kahit kaninuman, kahit pa patuloy na nagbabangayan si dating Pangulong Duterte at Pangulong Marcos.
Dagdag pa ni dela Rosa, hindi rin siya tinawagan ni Duterte tungkol sa takbo ng imbestigasyon ng mataas na kapulungan.