Solong ba-biyahe ngayong araw para magsagawa ng ocular inspection sa Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) sa Socorro, Surigao del Norte si Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Ayon kay dela Rosa, wala siyang makakasamang senador sa biyahe papuntang Socorro pero may mga staff namang ipinadala ang mga mambabatas na dapat sana’y kasama sa gagawing ocular inspection.
Sa unang balita ay dapat kasama sina Senators Jinggoy Estrada, Robin Padilla, Sherwin Gatchalian at Francis Tolentino.
Huli aniyang nagpadala ng mensahe sa kanya si Gatchalian dahil puno na ang flight na sasakyan papunta sa nasabing lalawigan at magigipit na rin sila sa oras.
Iginiit naman ni dela Rosa, na kahit mag-isa lang siya sa gagawing ocular inspection ay importante pa rin naman ang kanyang gagawin.
Maliban kasi sa balak na pakikipagusap sa mga miyembro ng SBSI ay aalamin din ni dela Rosa ang katotohanan sa likod ng sinasabing “mass grave” sa Sitio Kapihan na pinaglibingan sa napakaraming namatay na sanggol.