Nakaisip ng kakaibang solusyon si Senator Ronald “Bato” dela Rosa para mabawasan ang babayarang utang ng bawat Pilipino.
Sa ginanap na budget briefing ng Senado, binanggit ni Dela Rosa ang tungkol sa utang ng bansa at tulad ng pangamba ng mga pangkaraniwang Pilipino na kahit hindi pa pinapanganak ang kanyang apo ay may nakaabang nang malaking utang.
Tinukoy ni National Treasurer Rosalia de Leon na nasa P13.7 trillion ang outstanding debt ng Pilipinas at sa susunod na taon ay magbabayad ang gobyerno ng debt servicing na aabot sa P1.911 trillion o P1.2 trillion para pambayad sa principal na utang at P670 billion para sa interes na siyang kukunin din sa P5.768 trillion na proposed 2024 national budget.
Nababahala si Dela Rosa sa lumalaking per capita ng debt o ang utang na babayaran ng bawat Pilipino na tinatayang humigit kumulang sa P115,000 na.
Mungkahi ni Dela Rosa, mas maganda siguro kung mag-anak ng marami para lumaki ang populasyon at kapag lumaki ang populasyon ay mas marami ang maghati-hati sa utang.
Sinabi naman ni Finance Secretary Benjamin Diokno na walang dapat ikatakot ang mga Pilipino dahil ang utang ng bansa ay reasonable at manageable naman.
Paliwanag pa ni Diokno, ibinaba ang deficit ng bansa sa 3 percent dahil sa komposisyon ng national budget na karamihan ay puro infrastructure na malaking tulong para sa pagtiyak ng tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya na tiyak mga mahihirap na kababayan din ang makikinabang.