Sen. Bato dela Rosa, tiwalang hindi kikilalanin ng Marcos administration ang desisyon ng ICC

Kumpiyansa si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi kikilalanin ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang ibinabang desisyon ng International Criminal Court (ICC) na nagbabasura sa apela ng Pilipinas na ihinto na ang imbestigasyon sa ‘war on drugs’ ng dating administrasyong Duterte.

Ayon kay Dela Rosa, tiwala siya na hindi kikilalanin ng pangulo ang naging desisyon ng ICC dahil ilang beses na ring nasabi ni Pangulong Marcos na hindi makikipag-cooperate ang bansa sa ICC at nanindigan na walang hurisdiksyon sa Pilipinas ang international court.

Sinabi pa ni Dela Rosa na hindi siya nasorpresa, hindi concern at hindi nababagabag sa hindi pagpayag ng korte sa apela ng bansa.


Kahit aniya maglabas ng warrant of arrest ay hindi rin ito maipapatupad ng mga awtoridad sa bansa dahil hindi na tayo myembro ng ICC.

Dagdag pa ni Dela Rosa, wala siyang paghahanda na gagawin sa ICC at tuloy lamang siya sa kanyang tungkulin bilang senador.

Umaasa pa ang mambabatas na may gagawin ang Senado para maprotektahan siya laban sa prosekusyon ng ICC.

Facebook Comments