Sen. Bato dela Rosa, umaasa sa patas na desisyon ng SC sa inihain nilang Motion for Reconsideration para maibalik ng bansa si FPRRD

Umaasa si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na magiging patas sa ruling ang Korte Suprema matapos maghain ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng “Motion for Reconsideration” na humihimok sa Kataas-taasang Hukuman na kumilos para sa pagpapabalik bansa ng dating pangulo.

Ito’y matapos ibasura ng Korte Suprema ang hiling na temporary restraining order (TRO) laban sa pag-aresto kay Duterte ng International Criminal Court (ICC).

Umapela si Dela Rosa sa Supreme Court na magdesisyon batay sa merito ng kaso at hindi magpadala sa politika.


Hirit ng senador, buo sana ang pasya ng Korte Suprema at walang ikonsidera na politika o pressure mula sa ibang sangay ng gobyerno kahit pa siya na isa sa mga petitioners na mula sa Senado at kahit ang Malakanyang na tinawag ni Dela Rosa na oppressive sa mga ginagawa laban sa kanila.

Matatandaang sinabi rin ni Dela Rosa na handa siyang damayan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC at magpapa-aresto kung sakaling may warrant na ipakita sa kaniya.

Facebook Comments