Hindi nababahala si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa kabila ng posibleng banta na maisilbi sa kanya ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) kaugnay pa rin sa kaso nito sa “war on drugs” noong nakaraang Duterte administration.
Ayon kay Dela Rosa, wala siyang paghahandang gagawin dahil hindi naman makakaapekto sa kanya ang sinasabing warrant mula sa ICC.
Tanong ng mambabatas ay sinong magsisilbi ng warrant sa kanya gayong wala namang hurisdiksyon ang ICC sa bansa.
Bukod dito, kahit hilingin ng ICC sa interpol na idaan sa Philippine National Police (PNP) o sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsisilbi ng warrant ay bakit naman sila susundin ng awtoridad ng Pilipinas sa ICC na hindi naman na kinikilala ng bansa at maging ng pangulo.
Giit pa ng mambabatas, hindi na rin niya dapat pagaksayahan ng panahon ang ICC dahil labas na ito sa kanyang kontrol at matatalo lamang siya kung patuloy siyang magaalala sa paglitaw ng warrant of arrest.
Tiniyak ng dating PNP Chief na nakahanda siyang humarap sakaling dumating sa punto na isisilbi sa kanya ang arrest warrant.