
Nagsampa sa Senado ng ethics complaint laban kay Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang civil society group na ‘Wag Kang KuCorrupt’ sa pangunguna ni dating Finance Undersecretary Prof. Cielo Magno.
Ito ay dahil sa patuloy na pagliban ng senador sa kanyang official duties sa Senado na higit tatlong buwan na.
Nakasaad sa reklamo na ang patuloy na hindi pagpasok ni Dela Rosa sa Senado ay hindi lamang kapabayaan sa kanyang tungkulin kundi ito ay grave abuse sa pribilehiyo at tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng taumbayan bilang senador.
Binigyang-diin pa sa complaint na kapag ordinaryong manggagawa at empleyado ang patuloy na absent sa trabaho ay otomatikong walang sahod at kung minsan ay nahaharap pa sa disciplinary action, salary deduction, suspensyon at termination.
Umaasa si Prof. Magno na agad na aaksyunan ng Senate Committee on Ethics ang reklamong inihain laban kay Dela Rosa at bigyan ng parusa ang senador.










