Sen. Bato, pabor na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas pero sa legal na paraan

Sang-ayon si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa ideya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.

Ayon kay Dela Rosa, na tubong Mindanao, ‘worst comes to worst’ ay pipiliin niyang ihiwalay na lang ang Mindanao sa Pilipinas pero ito ay gagawin sa legal na pamamaraan.

Ito ay kung sakaling dumating sa punto na hindi na magkaintindihan ang mga lider at ang taumbayan partikular ang mga mamamayan sa Mindanao ay magdesisyon na ayaw na nila sa gobyerno ng bansa.


Pero kung kaya pa naman aniyang maisalba ay isalba pa habang may pagkakataon dahil nag-iisa lang naman ang Pilipinas.

Naniniwala naman si Dela Rosa na dala lang ng bugso ng damdamin kaya nasabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay na ang Mindanao sa Pilipinas.

Aniya, may pag-asa pang magbago ang stand ni Duterte kay Pangulong Bongbong Marcos lalo kung magkaroon ng pagkakataon na magkausap ang dalawa.

Facebook Comments