Sen. Binay, ikinagulat ang rason ng pagbuhay ng kudeta laban kay dating Senate President Migz Zubiri; Sen. Revilla, umapela na mag-move forward na sa isyu ng kudeta

 

Nasorpresa si Senator Nancy Binay sa ibinunyag ni Senator Ronald Bato dela Rosa na dahil sa naoperahang paa ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., kaya muling nabuhay ang isyung kudeta kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri.

Ayon kay Senator Nancy Binay, medyo weird na isipin na sa dinami-rami ng conspiracy theories sa likod ng kudeta ay dahil pa ito sa isang paa na na-injured kaya nasipa sa pwesto si Zubiri.

Kantyaw pa ni Binay na kung ang dahilan ng pagkakatanggal kay Zubiri ay dahil sa paa ni Revilla, ay talaga namang ginawa nila ang kanilang ‘best foot forward’ para makudeta ang dating Senate President.


Samantala, ang naging tugon naman ni Revilla rito ay maaaring isa nga ang naoperahan niyang paa sa nag-trigger ng pagpapatalsik kay Zubiri pero bago pa man ito ay sadyang marami nang problema.

Hiniling naman ni Revilla na mag-move forward na ang lahat sa isyu at magtrabaho na lamang para sa bayan.

Ibinunyag ni Dela Rosa na sumama ang loob ng mga senador na artista matapos tanggihan ni Zubiri ang request ni Revilla na online na lamang dumalo sa plenary sessions dahilan kaya namaga at bumuka ang bagong opera nitong paa.

Facebook Comments