Pinayuhan ni Senate Committee on Tourism Chair Senator Nancy Binay ang Department of Tourism (DOT) na huwag nang ipilit na gamitin ang slogan na “Love the Philippines”.
Ang suhestyon ng senadora ay kasunod na rin ng kahihiyan na inabot ng bansa matapos ilunsad ang isang promotional video para sa nasabing slogan kung saan ang ginamit na materials ng kinuhang ad agency ng DOT ay mga kuha pala sa abroad at hindi sa Pilipinas.
Para kay Binay, hindi wais kung ipipilit pa ng DOT at ng mga taong nasa likod ng marketing campaign na ipagpatuloy ang paggamit ng slogan na “Love the Philippines” matapos ang natamong negatibong epekto dahil sa kontrobersyal na video.
Paliwanag ng senadora, kung may ilalabas pa na tv commercial o ad campaign video ang DOT, hindi na magandang isugal ang bagong slogan dahil ang mangyayari ay aabangan na lang ito ng netizens para gawan ng mga spoof at gawing katatawanan.
Inirekomenda ni Binay na ibalik at gamitin na lamang ng ahensya ang subok na tourism campaign ng bansa at mula rito ay gumawa na lamang ng tactical marketing plan para maiwasan na ang anumang butas na masabotahe ito.
Dagdag ng senadora, ang itinakdang layunin ng DOT sa bagong slogan ay tagilid at naiba na ng landas at bugbog na bugbog na rin sa mga tao.
Ipinunto pa ni Binay na hindi naman masama ang magkamali at kung ang “love” ay hindi itinakda para sa atin, mas makabubuting mag-‘move on’ na ang lahat at ibalik na lamang ang “fun” sa Pilipinas.