Nilinaw ni Senator Christopher “Bong” Go na wala siyang naging anumang partisipasyon sa “war on drugs” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tahasang itinatanggi ni Go ang akusasyon sa kaniya ni dating PCSO General Manager Royina Garma na siya ay kasama noon ni Duterte sa nationwide campaign na giyera kontra iligal na droga at sa ipinatupad na reward system ng kampanya.
Paliwanag ni Go, bilang dating Special Assistant to the President ni Duterte ay limitado lamang ang kaniyang tungkulin noon tulad ng pagsasaayos ng scheduling, appointments at presidential engagements ng dating pangulo.
Iginiit din ni Go na wala rin siyang naging kinalaman sa kahit alinmang police operations ng war on drugs at hindi rin siya humawak ng pera sa opisina ng pangulo dahil hindi naman aniya ito parte ng kaniyang tungkulin.
Dinepesahan din ng senador si Duterte na aniya’y paulit-ulit na binanggit ng dating pangulo na sa ilalim ng kaniyang administrasyon ay hindi kinukunsinti ang mga walang awang pagpatay at bilang abogado at prosecutor noon ay nababatid at iginagalang nito ang batas.
Dismayado si Go dahil hinahaluan na aniya ng pulitika ang imbestigasyon at nababalewala rin ang pagsisikap noon ng dating pamahalaang Duterte sa paglaban sa krimen at iligal na droga.